ENTERTAINMENT

[DANAS TEATRO] ‘Rak of Aegis’ sa 2019: Ang Pilipinas ay basang-basa sa ulan

Conan Altatis

Conan Altatis

[PAGLILINAW] Hindi ito isang rebyu ng teatrong pagtatanghal. Isa itong pamamahagi ng aking danas na may kinalaman sa musika at teatro. Para sa akin, lahat ng uri ng sining, napapanood man, nakikita o naririnig, ay hindi nirerebyu kundi dinadanas. 

Basang-basa sa ulan ang Pilipinas. Malinaw ito sa napanood kong pagtatanghal ng “Rak of Aegis” noong July 28, 2019 ng alas tres ng hapon sa PETA Theater Center sa Quezon City, Metro Manila, Philippines.

Bakit bihira akong manood ng teatro

May kaunti akong karanasan sa teatro. Alam ko ang disiplina dito, ang hirap, ang pagod, ang tiyaga at ang kultura sa teatro kumpasa sa telebisyon at pelikula.

Bihira akong pumayag kapag niyayaya akong manood ng pagtatanghal sa teatro. Kasi, kung ang panonoorin lang doon ay magpapatawa, ano ang kaibihan kapag pumunta na lang ako sa comedy bar o nanood ng stand-up comedy performances sa YouTube? Kung plano lang ng palabas sa teatro na magpaiyak, mayroon din niyan sa YouTube.

Papayag akong manood kung ang itatanghal doon ay may gagawing pagbabago sa isip, puso at diwa ko. Balat lang ang pagpapatawa at pagpapaiyak. Dapat may laman-loob itong masustansiya.

Noong ika-17 ng Setyembre 2017 pa ang huling pagkakataong nanood ako ng pagtatanghal sa teatro. Ito ‘yong huling gabi ng pagganap ni Baron Geisler bilang Tikbalang sa “Aurelio Sedisyoso.” Ang binaon ko mula doon ay ang mga pagsubok sa pag-ibig sa pagitan ng imperyalismong kanluranin at pagiging Pilipino.

This slideshow requires JavaScript.

Bakit ako gininaw sa ‘Rak of Aegis’

Sakto lang naman ang lakas ng aircon at punong-puno ang PETA Theater Center at may nagsuot naman ako ng jacket. Isa pa, bilang Igorot na lumaki sa Baguio, sanay ako sa lamig. Pero ginihaw ako sa “Rak of Aegis” dahil ipinaramdam sa akin ang kasalukuyang kalagayan ng bansa; binabagyo, walang bubong, nasalanta.

Ito ang unang beses kong mapanood ang “Rak of Aegis.” Sinamahan ako ng kapatid sa pelikula at telebisyon na si Madam Evangeline Torcino. Natutuwa ako na kahit pangalawang beses niya itong napanood ay tikom ang bibig niya. Walang spoilers. Ang totoo, ako pa ang panay ang tanong sa kanya.

Pinoy na Pinoy ang kuwento ng “Rak of Aegis.” Ito tayo. Mahilig sa musika. Mahilig sa kasiyahan. Madiskarte. Masiyahin. Mataas ang pangarap.

Kung bakit napakaraming talentadong mang-aawit sa Pilipinas ay hindi ko alam. Hindi lang tayo mahilig kumanta. Marami sa atin ang napakahusay. Hindi na nakakagulat ngayon kung may maibalitang Pilipinong nanalo sa internasiyonal na paligsahan sa kantahan. Napapadalas na kaya ordinaryong balita na ‘yan ngayon.

Mahusay may o hindi, mahilig tayong kumanta. Sabi nga ng mga balikbayan, mararamdaman mong nasa Pilipinas ka na kapag naririnig mo na may mga bumibirit sa karaoke. Isa itong ordinaryong ingay sa mga Pinoy. Pero hindi ito ordinaryo sa ilang mga Pinoy.

May mga Pinoy na nakatira sa mga espesyal na lugar kung saan walang baha, walang ingay, walang kaproblema-problema. Malayo ang agwat ng mga mahihirap sa mga mayayaman pero sa heograpikal na usapin, magkapitbahay lang sila. Tumanaw ka sa likod ng nagtataasang mga gusali ng mga Pinoy na may mga sariling kotse. Makikita mo doon ang siksikang mga tirahan ng mga Pinoy na araw-araw nakikipagsiksikan sa MRT, LRT at mga bus.

Sa mga espesyal na lugar, sampong taon na silang magkakapitbahay pero hindi pa sila magkakilala. Walang pakialamanan. Walang pakialam.

Mayroong mga nagkukunwaring may pakialam sa mga problema ng bansa, at karamihan sa mga ito ay may kinalaman sa masa. Pero para sa kanila, aawitan ko sila ng “Banal na Aso, Santong Kabayo” ni Dong Abay. (Paumanhin at hindi ito awitin ng Aegis.) Kung lulunasan natin ang mga suliranin ng mga mahihirap, mababawan ang ginhawa at rangyang tinatamasa ng mga nasa middle class at upper class. May mga Pinoy na may kaya at nakikipaglaban kunwari sa karapatan ng mga manggagawa pero sarili nilang mga kasambahay, hindi masahuran ng maayos.Huwag tayong maglokohan.

Isa ito sa malungkot na katotohanan, hindi lang sa Pilipinas kundi sa lipunan sa pangkalahatan. Malinaw itong makikita sa “Rak of Aegis” kung hindi ka nanonood para lang tumawa o umiyak.

Pero madiskarte ang mga Pinoy. Marahil ay nagiging madiskarte tayo dahil ito na lang ang paraan para hindi tayo malunod sa baha. Ngunit hindi ito palaging positibo. Dahil desperado na tayong makaahon sa hirap, tatanggapin natin kahit anong salbabidang lalapit sa atin. Minsan, ang salbabidang ito ay musika. Kaya huwag nating kutyain ang mga sumasali sa mga paligsahan sa kantahan na nagsasabing gusto nilang manalo para sa pamilya.

Minsan, kakambal din ng diskarteng ito ang pagpayag na maging biktima sa abuso o eksploytasyon. Hindi dahil tamad magbanat ng buto ang mga Pinoy. Ito ay dahil binabagyo sila at walang masisilungan, walang malalapitan.

Mararamdaman mo ang ginaw ng basang-basang Pilipinas sa “Rak of Aegis” higit pa sa nakakatawa at nakakaiyak na mga eksena.

Aba, siyempre, natawa rin ako sa mga patawa nila na nag-uumpisa pa lang sa pag-anunsiyo ng mga bawal sa loob ng tanghalan. Naiyak din naman ako sa mga nakakaantig na eksenang may kinalaman sa pamilya.

Pero ang tawa at iyak kasi ay mapapawi din paglabas mo ng tanghalan. Ang mahalaga ay ang latak ng kuwentong hindi maalis-alis sa isip, puso at diwa mo pag-uwi.

Umuwi akong nalungkot sa kalagayan ng Pilipinas. Muli akong pinaalalahanan na makontento sa kaunting mga ginhawang natatamasa ko at maging tunay na taong nakikipaglaban sa pagkakapantay-pantay.

Sino ang mga gumanap sa napanood kong ‘Rak of Aegis’

Ang gumanap na Aileen, ang pangunahing karakter, sa napanood kong “Rak of Aegis” noong ika-28 ng Hulyo 2019 ay si Shaira Opsimar. Gumanap na mga magulang niya sina Renz Verano bilang Kiel at Neomi Gonzales bilang Mercy.

Si Jenine Desiderio ang gumanap na Kapitana Mary Jane at si Vince Lim ang gumanap na anak niyang si Kenny. Si Derrick Monasterio naman ang gumanap na Tolits, ang karibal ni Kenny kay Aileen.

Gumanap naman si Jimmy Marquez bilang Jewel at si Gie Onida bilang Fernan. Kasama rin sa ensemble sina Gold Villar-Lim, Lemuel Silvestre, Yumi Lacsamana, Paeng Sudayan, Gimbey dela Cruz at Gio Gahol.

Siyempre, bawal kumuha ng video sa palabas. Pero, heto, may kaunti akong nakuha pagkatapos ng palabas:

1 reply »

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.