ENTERTAINMENT

[DANAS MUSIKA] Linggo ng Musikang Pilipino 2019: Ang paghubad ni Dong Abay sa katotohanan

Dong Abay

Dong Abay

[PAGLILINAW] Hindi ito isang rebyu ng konsiyerto. Isa itong pamamahagi ng aking danas na may kinalaman sa musika. Para sa akin, lahat ng uri ng sining, napapanood man, nakikita o naririnig, ay hindi nirerebyu kundi dinadanas. 

Matinding nostalihiya ang naidulot sa akin ng panonood ng tugtugan nina Wency Cornejo, 52, Cooky Chua, 46, Dong Abay, 48, at Barbie Almalbis, 41, noong ika-31 ng Hulyo 2019 sa Historia Bar na matatagpuan sa 5. Sgt. Esguerra Avenue, Diliman, Quezon City, Metro Manila, Philippines. Nag-umpisa ang palabas dakong alas nuebe ng gabi.

Halos bumabagyo sa labas. Hindi ito alintana ng mga Pinoy na sabik marinig at mapanood ang pagtugtog at pagkanta nina Cornejo, Chua, Abay at Almalbis. Bahagi ang apat sa mga bandang gumawa ng ingay noong 1990s at patuloy na nag-iingay sa kasalukuyan.

Naalala ko noong isa pa akong musmos sa Mountain Province kung saan ako nagtapos ng elementarya. Nag-uumpisa pa lang akong matutong tumugtog ng gitara at wala pang internet noon sa probinsiya. Kung kailangan namin ng kopya ng lyrics at chords ng isang kanta, sasangguni kami sa mga magasin na kung tawagin ay song hits.

Bahagi ang palabas na iyon sa mahigit 70 na mga palabas ng Linggo ng Musikang Pilipino 2019. Proyekto ito ng Organisasyon ng Pilipinong Mang-aawit at ng National Commission for Culture and the Arts.

Dong Abay

Si Abay ang ikatlo sa apat na sumampa sa entablado. Ito ang kauna-unahang pagkakataong makita ko siya ng personal.

Kilala siya sa pagkanta ng walang saplot pang-itaas. Hindi ito isang gimik. Bukod sa mainit sa entablado, ang paghubad niya ng kamiseta niya ay katulad din ng paghubad niya ng katotohanan, na kadalasan ay tinatago, binabago o ginagago.

Malinaw ang mensaheng ito sa awitin niyang “Banal na Aso, Santong Kabayo.” Naririndi ako kapag naririnig ko ang mga mahuhusay na mang-aawit sa Pilipinas na kantahin ito para lang ipakita ang husay nila sa pagkanta at ang ganda ng boses nila pero hungkag sa mensahe. Minsan ay punong-puno sila ng emosyon, pero maling emosyon.

Sa “Banal na Aso, Santong Kabayo,” kinukutya natin ang pagbabalatkayo ng mga taong tinatawag sa wikang Ingles na sanctimonious. ‘Yong mga taong mataas ang tingin sa sarili nila dahil para sa kanila ay sila ang tama ang pag-iisip at paniniwala pero kabaliktaran sa gawa.

Kaya nakakatawa ang mga umaawit ng “Banal na Aso, Santong Kabayo” na hindi naipapahayag ang mensahe nito na simple lang naman at hindi mahirap intindihin.

Kaya labis ang tuwa ko nang mapanood ko si Abay na awitin ang “Banal na Aso, Santong Kabayo” sa personal.

Nagustuhan ko rin na binanggit niyang wala naman talagang linggo ng musikang Pilipino dahil ang musikang Pilipino ay buhay, kaya dapat araw-araw. Mukhang ironic sa lugar at sa ganap. Ang totoo, hindi man niya binanggit ay batid kong nais niyang sabihin na araw-araw dapat ang musikang Pilipino sa indibidwal na mga buhay ng mga Pilipino pero parang mga piyesta, ang Linggo ng Musikang Pilipino ay ginaganap upang magkaroon ng pagkakataong sama-sama ang pagsabuhay sa musikang Pilipino na tinatawag nating Original Pinoy Music (OPM).

Bilang musiko ay mahusay sa paghatid ng kuwento si Abay. Bukod sa mahusay niyang paggamit sa entablado, maihahalintulad siya sa isang gutom na asong sinisimot ang pagkain binibigay sa kanya: wala siyang sinasayang na titik at nota sa kanta niya, binibigyan niya ng halaga bawat isa. Dapat siyang pag-aralan ng iba pang mga Pilipinong mang-aawit.

Yano

Nabuo ang Yano noong 1992. Sina Abay sa vocals at Eric Gancio sa guitar ang mga unang kasama sa folk/punk rock band at kalaunan ay sinamahan sila ni Onie Badiang sa bass.

Nasa banda pa rin si Gancio na sa vocals at lead guitar ngayon kasama sina JR Madarang sa bass at Ronald Madarang sa drums. Noong 2013 ay naglabas sila ng album na pinamagatang “Tala.”

Narito ang ilan sa mga inawit ni Abay sa Linggo ng Musikang Pilipino 2019 sa Historia Bar:

“Perpekto”

“Esem”

“Senti”

“Positibo”

“Tsinelas”

“Banal na Aso, Santong Kabayo”

5 replies »

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.