ENTERTAINMENT

[DANAS MUSIKA] Linggo ng Musikang Pilipino 2019: Walang kupas si Cooky Chua

Cooky Chua

Cooky Chua

[PAGLILINAW] Hindi ito isang rebyu ng konsiyerto. Isa itong pamamahagi ng aking danas na may kinalaman sa musika. Para sa akin, lahat ng uri ng sining, napapanood man, nakikita o naririnig, ay hindi nirerebyu kundi dinadanas. 

Matinding nostalihiya ang naidulot sa akin ng panonood ng tugtugan nina Wency Cornejo, 52, Cooky Chua, 46, Dong Abay, 48, at Barbie Almalbis, 41, noong ika-31 ng Hulyo 2019 sa Historia Bar na matatagpuan sa 5. Sgt. Esguerra Avenue, Diliman, Quezon City, Metro Manila, Philippines. Nag-umpisa ang palabas dakong alas nuebe ng gabi.

Halos bumabagyo sa labas. Hindi ito alintana ng mga Pinoy na sabik marinig at mapanood ang pagtugtog at pagkanta nina Cornejo, Chua, Abay at Almalbis. Bahagi ang apat sa mga bandang gumawa ng ingay noong 1990s at patuloy na nag-iingay sa kasalukuyan.

Naalala ko noong isa pa akong musmos sa Mountain Province kung saan ako nagtapos ng elementarya. Nag-uumpisa pa lang akong matutong tumugtog ng gitara at wala pang internet noon sa probinsiya. Kung kailangan namin ng kopya ng lyrics at chords ng isang kanta, sasangguni kami sa mga magasin na kung tawagin ay song hits.

Bahagi ang palabas na iyon sa mahigit 70 na mga palabas ng Linggo ng Musikang Pilipino 2019. Proyekto ito ng Organisasyon ng Pilipinong Mang-aawit at ng National Commission for Culture and the Arts.

Cooky Chua

Sa apat, pangalawang umawit sa gabing ‘yon si Chua. Hindi ito ang unang pagkakataong napanood ko siya ng personal. Pero iba pa rin ang dulot ng musika niya. Hindi nakakasawa. Hindi nagbabago. Walang kupas. Katulad niya.

Ang totoo niyan, may isa akong nakakahiyang karanasan noong November 1, 2014. Lasenggo pa ako noon. (Dati akong alcoholic. Binitawan ko na ang alak mula noong January 25, 2016). Araw ng mga patay. Pumunta ako sa Tiendesitas sa Pasig City, Metro Manila para manood ng tugtugan ng Color It Red. Dahil lasing na ako, malakas ang loob kong umakyat sa entablado para maka-duet si Chua. Nagbiro ako sa audience, “Buti po nandito kayo! Hindi po ba kayo namatayan?”

Walang natawa. Dinaan na lang ni Chua sa kanyang karisma at binati ulit ang audience. Kinanta namin ang “Ang Huling El Bimbo” ng Eraserheads. Hindi ako sanay sa malakas na banda sa likod ko kaya kahit kabisado ko ang kanta, naliligaw ako. Ngunit inalalayan ako ng mabuti ni Chua. May video ako ng performance na ‘yon pero nagdesisyon akong i-delete at hindi i-post. Nakakahiya.

Hindi na siguro mauulit ‘yon. Pero kontento na ako na umupo sa audience at panoorin ang Color It Red. Tulad nong sa Linggo ng Musikang Pilipino 2019 sa Historia Bar.

Siyempre hindi mo matatawag na gabi ito ng Color It Red ng walang nagre-request na kantahin ni Chua ang “Paglisan.” Sinamahan si Chua ni basistang si Bopip Paraguya sa pagkanta.

Muli, isang karangalang personal na mapanood si Chua sa malapitan na umawit at umindak kasama ang banda niyang Color It Red.

Biniyayaan si Chua ng boses na kanyang-kanya. Kapag narinig mo sa radyo, alam mo agad na siya. Hinalikan ng mga diwata ng musika ang lalamunan niya at binigyan siya ng hindi kumukupas na garalgal at gaspang sa boses na ang sarap-sarap pakinggan.

Bukod pa rito, iba ang karisma ni Chua. Bukod sa ganda niyang hindi tumatanda, may taglay siyang awra na kapag pumasok siya sa isang silid ay mapapatingin ang lahat (kahit hindi siya kilala).

Bukod sa “Paglisan,” personal kong paborito ang kanta ng Color It Red na “Na Naman.” Ang sarap sabayan. At sa pag-uwi ko ay hindi maiiwasang umulit-ulit ang boses ni Chua sa ulo ko na kumakanta ng “Na-na-na naman, na-na naman, na-na namaaaan!”

Color It Red

Noong 1989, nasa mataas na paaralan si Chua noong buuin niya ang Color It Red kasama sina Barbi Cristi sa rhythm guitar at Maricar Florendo sa keyboards. Insipirasyon ng banda ang “Satisfaction,” isang pelikulang Americano noong 1988 tungkol sa isang rock band na panay babae ang mga kasali.

Kinalaunan ay sumama rin sa Color It Red sina Mike Villegas sa lead guitar, Hank Palenzuela sa bass at Edison Javellano sa drums. Pero ang mga kasama na ngayon nina Chua at Cristi sa banda ay sina Paraguya sa bass at back-up vocals, Ariel Policarpio sa lead guitar, Jayvee Torres sa drums at Kwanchi Vergara sa keyboards.

Noong 1998, napanalunan ni Chua ang parangal na Golden Voice of Asia award sa Hanoi, Vietnam. Noong 2008, lumabas siya bilang isang mang-aawit ng kundiman sa “Melancholia,” pelikula ni Lav Diaz.

Narito ang ilan sa mga tinugtog ng Color It Red sa Linggo ng Musikang Pilipino 2019 sa Historia Bar:

“Kuwento”

“Na Naman”

“Di Magtatagal”

“Paglisan”

4 replies »

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.