ENTERTAINMENT

[DANAS MUSIKA] Linggo ng Musikang Pilipino 2019: Tigre si Barbie Almalbis

Barbie Almalbis

Barbie Almalbis

[PAGLILINAW] Hindi ito isang rebyu ng konsiyerto. Isa itong pamamahagi ng aking danas na may kinalaman sa musika. Para sa akin, lahat ng uri ng sining, napapanood man, nakikita o naririnig, ay hindi nirerebyu kundi dinadanas. 

Matinding nostalihiya ang naidulot sa akin ng panonood ng tugtugan nina Wency Cornejo, 52, Cooky Chua, 46, Dong Abay, 48, at Barbie Almalbis, 41, noong ika-31 ng Hulyo 2019 sa Historia Bar na matatagpuan sa 5. Sgt. Esguerra Avenue, Diliman, Quezon City, Metro Manila, Philippines. Nag-umpisa ang palabas dakong alas nuebe ng gabi.

Halos bumabagyo sa labas. Hindi ito alintana ng mga Pinoy na sabik marinig at mapanood ang pagtugtog at pagkanta nina Cornejo, Chua, Abay at Almalbis. Bahagi ang apat sa mga bandang gumawa ng ingay noong 1990s at patuloy na nag-iingay sa kasalukuyan.

Naalala ko noong isa pa akong musmos sa Mountain Province kung saan ako nagtapos ng elementarya. Nag-uumpisa pa lang akong matutong tumugtog ng gitara at wala pang internet noon sa probinsiya. Kung kailangan namin ng kopya ng lyrics at chords ng isang kanta, sasangguni kami sa mga magasin na kung tawagin ay song hits.

Bahagi ang palabas na iyon sa mahigit 70 na mga palabas ng Linggo ng Musikang Pilipino 2019. Proyekto ito ng Organisasyon ng Pilipinong Mang-aawit at ng National Commission for Culture and the Arts.

Barbie Almalbis

Si Almalbis ang panghuli sa apat na umawit sa gabing ‘yon.

Habang nag-uumapaw sa enerhiya ang tatlong naunang sumampa sa entablado, iba naman si Ate Barbie. Kalmado. Pero mabangis. Parang tigre.

Ganito ko gustong ilarawan si Ate Barbie. Isa siyang tigre. Napakaamo niyang tignan. Ngunit punong-uno ito ng tapang at lakas.

Isang buwan bago ang Linggo ng Musikang Pilipino 2019, personal kong nakapanayam si Ate Barbie sa launch ng kanyang bagong extended play album na pinamagatang “Tigre.”

Tuwang-tuwa ako noong tanungin ko siya tungkol sa awitin niyang “Tigre.” Akala ko kasi ay isang itong simbolismo ng katapangan o lakas o kung ano pa man. Iyon pala ay literal na tigre. Sinulat niya ang kanta kasama ang asawa niyang si Martin Honasan, anak ni Senator Gringo Honasan, para sa pusa nila.

Sabi ni Ate Barbie, ‘yong pusa daw nila, parang tigre kung umasta. Ito na ang pinakamapalad na pusa. Sinulatan ng kanta ng isang Barbie Almalbis!

Isa nga ang “Tigre” sa kinanta ni Ate Barbie sa Historia Bar. Nandoon din ang asawa niya, nagkubli sa likod ng poste sa entablado habang kinukunan ng video ang tugtugan nina Ate Barbie at ng banda niya.

Siyempre, kung may “Paglisan” si Madam Cooky, may “Tabing Ilog” naman si Ate Barbie. Soundtrack ito ng palabas sa ABS-CBN na pareho ang pamagat na sinubaybayan ng mga batang ’90s katulad ko. Pinagbidahan ito nina John Lloyd Cruz, Jodi Sta. Maria, Baron Geisler, Patrick Garcia, Paolo Contis, Desiree del Valle, Kaye Abad at Paula Peralejo.

Kalmado man o may angas, ipinamalas din ni Ate Barbie ang husay niya sa paggitara. Sa apat na nagtanghal sa gabing iyon ay siya lang ang tumugtog ng gitara habang kumakanta. Kung ano ang amo ng boses niya sa pagkanta ay siya naman ang bangis niya sa paggitara.

Noong matapos na ang tugtugan at bumaba na si Ate Barbie, hinintay kong maubos ang fans niyang lumalapit sa kanya para kumuha ng litrato at autograph. Saka ko siya nilapitan at sinabi sa kanyang gustong-gusto ko ang “Tigre.” Masaya akong napangiti ko siya.

Sa kabuuan, ang pagtugtog ni Ate Barbie at ng banda niya ay perpektong pambalanse sa tatlong naunang tumugtog na puno ng mga enerhiya.

Hungry Young Poets

Lead singer at gitarista si Almalbis ng Hungry Young Poets na binuo noong 1996. Dalawa ang sila ng basistang si Ricci Gurango hanggang sa sumama ang drummer na si Franklin Benitez.

Barbie’s Cradle

Noong 1998, iniwan ni Gurango ang banda at sumama sa Little Green Men saka binuo ang Mojofly. Iginiit niyang siya ang may karapatan sa pangalang Hungry Young Poets kaya nagpalit sina Almalbis at Benitez ng pangalan bilang Barbie’s Cradle.

Noong 1999, sumama sa Barbie’s Cradle sina Rommel dela Cruz sa bass at  Wendell Garcia sa drums. Noong 2005, nabuwag ang banda at nagsolo na si Almalbis.

Narito ang ilan sa mga tinugtog nina Almalbis sa Linggo ng Musikang Pilipino 2019 sa Historia Bar:

“Torpe”

“Cover”

“Say Goodbye”

“Tigre”

 

4 replies »

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.